Ang sabi-sabi: Super typhoon ang bagyong Kristine.
Marka: HINDI TOTOO
Bakit kailangang i-fact-check: Laman ng maraming post sa Facebook ngayong Oktubre 23 ang sabi-sabing ito. Iba’t ibang mga Facebook account, page, at public group ang nagpapakalat ng nasabing impormasyon.
Halimbawa na lamang ang post na ito sa isang public group na may 49,000 na miyembro. Laman din ng isang Facebook page na may 20,000 likes at 15,000 followers ang kaparehong sabi-sabi.
Ang totoo: Hindi super typhoon ang bagyong Kristine na kasalukuyang nakaaapekto sa halos buong Luzon at Visayas, gayundin sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa bulletin ng Philippine Astronomical, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas nang 2 pm nitong Miyerkules, Oktubre 23, tropical storm ang klasipikasyon ng nasabing bagyo.
Inaasahang maging severe tropical storm si Kristine sa Miyerkules bago ito mag-landfall sa probinsiya ng Isabela. Maaaring umabot sa typhoon category si Kristine, ngunit posibleng mangyari na ito pagkalabas ng bagyo sa Philippine Area of Responsibility.
Sa mga nagdaang forecast ng PAGASA, hindi rin nasabing magiging super typhoon si Kristine.
ALSO ON RAPPLER
- Clash of titans: Rival clans seek to end Dutertes’ hold on Davao City
- What’s the fate of controversy-stricken Napolcom under a new DILG leadership?
- Kerwin Espinosa on crucifying De Lima: ‘Bato made me do it’
Klasipikasyon ng bagyo: Tropical storm ang klasipikasyon ni Kristine dahil sa kasalukuyan, ito ay may lakas ng hangin na aabot sa 85 kilometers per hour. Ang mga bagyong tropical storm ang category ay may lakas ng hangin mula 62 hanggang 88 km/h.
Tinuturing na super typhoon ang isang bagyo kung ito ay may lakas ng hangin na aabot sa 185 km/h o higit pa.
Si Kristine ang ika-11 na tropical cyclone ng Pilipinas para sa 2024.
Opisyal na balita: Para sa mga opisyal na update sa panahon, bisitahin ang mga social media account ng PAGASA sa X (dating Twitter), Facebook, at YouTube, o ang website nito. Maaari ring i-bookmark ang Philippine weather page ng Rappler. – Ailla dela Cruz/ Rappler.com