Quantcast
Channel: Tropical Depression Romina passes near Kalayaan, but PAR entry no longer seen
Viewing all articles
Browse latest Browse all 1501

[Long Story Short] Gusto ba talaga nilang ‘happy’ tayo?

$
0
0

Oktubre na, buwan na ng paglalagak ng mga certificate of candidacy para sa eleksiyon sa Mayo 2025.

Kasabay ng mga kontrobersiya at makukulay na personalidad na naririnig natin sa balita — mga pagtakas, pagtago, pagsuko (kuno), pag-aresto, walang katapusang rebelasyon at akusasyon sa congressional hearings, halimbawa — nag-uumpisa nang maglabasan ang mga pangalang manunuyo na naman sa mga botante. 

At kahit hiling sana ng mamamayan na maaksiyunan lahat ng kontrobersiya higit pa sa entertainment value na hatid nila, alam din nating malaki ang posibilidad na lilipas na lang ang mga araw at makahahanap na naman ng ibang pagtutuunan ng pansin ang ating mga kababayan. 

Kaya nga tinatawag na “circus” ang kampanya. 

Iba-iba man ang kulay pulitika, itsura ng mukha, at tamis ng dila, pare-pareho ang kanilang ipinapangako: ang mapabuti ang buhay ng kanilang nasasakupan. Wika nga ng isang pulitikong sikat sa kanyang longevity: “Gusto ko, happy ka.”

Pero ano kaya ang konsepto ng mga pulitiko ng pagiging “happy” ng mamamayan? 

Kapag inabutan mo ba sila ng isa o limang libong piso, happy na? Kapag naniwala sila sa pangako mong bibigyan mo sila ng trabaho, uniporme sa basketball, school supplies kapag pasukan, supot ng noodles at de lata kapag binagyo, o cake sa birthday nila, maiisip ba nila: “Ah, karapat-dapat na iboto itong si opisyal X. Hangad niyang maging masaya tayo”?

Napakababaw naman kung ganito. Napakababang pamantayan din para sa mga inihahalal na lingkod-bayan.

Abstraktong konsepto man ang “happiness” — hindi ako sigurado kung “kasiyahan,” “kaligayahan,” o “pagiging masaya” ang tamang salin dito — ay mayroon nang pagtatangkang sukatin ito o ipaliwanag sa mas konkreto at empirikong paraan.

Isa sa mga grupong gumagawa ng ganito ay ang Happiness Research Institute, halimbawa. Ayon sa website nito, isa raw itong think-tank na naghahanap ng dahilan kung bakit ang ibang lipunan ay mas “happy” kaysa sa iba. “The mission is to inform decision-makers of the causes and effects of human happiness, make subjective well-being part of the public policy debate, and improve overall quality of life for citizens across the world.”

Kalidad ng buhay, samakatuwid. 

Mayroon ding World Happiness Report 2024, isang pag-aaral na produkto ng Gallup, University of Oxford, Wellbeing Research Centre, at Sustainable Development Solutions Network. 

Hindi nakagugulat na wala ang Pilipinas sa listahan ng mga pinakamasasayang bansa sa mundo. Para sa 2024 na ulat na nagpapakita ng resulta mula 2021 hanggang 2023, nangunguna rito ang Finland, sinundan ng Denmark, Iceland at Sweden. 

May anim na pamantayan daw ang pagiging masaya: GDP per capita, haba ng buhay, kalayaan mula sa korupsiyon, kalayaang makagawa ng mga pasya sa sariling buhay, social generosity, at social support. 

Malinaw namang malaki ang papel na ginagampanan ng GDP per capita sa kalidad ng buhay. Kailangang maunlad ang bansa mong kinalalagyan, pero aanhin din ang laki ng kita ng bayan kung kailangang paghatian ito ng maraming mamamayan? Sa ngayon, sinasabi ng pamahalaan na lumalago naman daw ang ating GDP at mapabibilang na tayo sa mga middle-income economy sa mga susunod na taon. Pero kamusta naman ang pagkakahati ng yamang ito? Maunlad nga ang ilan, pero sadlak pa rin sa kahirapan ang nakararami. Paano pakikiputin ang ganitong pagkakalayo? 

Mahalaga rin ang life expectancy — kailangang mahusay ang sistema ng pangangalaga ng kalusugan. Hindi kakaba-kaba ang magulang na wala silang maipantutustos sa pangangailangan ng anak nila. Habang tumatanda, wala rin dapat duda ang mamamayan na makapagpapagamot siya kapag siya’y nagkasakit. 

Malaking bagay rin para maging masaya ang kalayaan mula sa korupsiyon. Ang pakiramdam na hindi ka ninanakawan. Na ang buwis na kinakaltas sa pinagpapaguran mo ay hindi nilulustay sa kung ano-anong bagay na wala namang kinalaman sa kapakanan ng bayan. 

Ang nangyayari, tuwing nakaririnig tayo ng balita ng pandarambong o kawalan ng transparency — tingnan mo naman, galit pa kapag itinanong mo kung paano ginastos o gagastusin — nanlulumo na lang tayo. Nakapanghihinang isiping masyado nang talamak ang korupsiyon sa ating bansa at wala na tayong magagawa tungkol dito.

At ano kaya ang pakiramdam ng hindi ka makalabas sa kalye nang walang kasama o makapag-aral kung nais mo, hindi ka makapili kung sino ang iyong iibigin, hindi mo maihayag kung sino ka talaga, hindi ka puwedeng kumawala sa isang relasyong abusado at umuupos na sa iyo? Paano naman kung hindi mo maitakda ang oras mo ng pagkayod at pagpapahinga, at kung pagbabawalan kang magreklamo tungkol sa isang mapang-abuso o palpak na gobyerno? Mabigat na bagay rin ang kawalan ng awtonomiya sa sarili mong buhay. 

Hindi sa lahat ng oras, ang mamamayan ay naghihintay na mabigyan. Maganda rin sa pakiramdan na ikaw mismo ay nakakapag-ambag, sa materyal na paraan man o hindi, sa ikabubuti ng ibang tao. May sapat bang pagkakataon ang mga Pilipino na makapagbayanihan, halimbawa, bilang gawi at kung kinakailangan?

Panghuli, napakahalaga ng kalidad ng ating mga pakikipag-ugnayan. Sa panahon ba ng pagsubok, may matatakbuhan tayo — pamilya, kaibigan, at iba pa? 

Ika-53 ang Pilipinas sa 143 bansang nakasama ayon sa anim na nabanggit na indicator. Kahanay natin ang Japan (51), South Korea (52), Vietnam (54) at Portugal (55). Kung tutuusin, hindi naman kalunos-lunos ang ating situwasyon kung ikukumpara sa iba, halimbawa sa tatlong huli na Lesotho (141), Lebanon (142), at Afghanistan (143).

Masayahin ang mga Pilipino, oo. Pero malinaw na marami pang maaaring ayusin para marating natin ang tunay nating potensiyal at tunay na yumabong. Kailangang matugunan muna ang mga batayang pangangailangan bago man lang magawa ito. Labas man ang gobyerno at mga pulitiko sa huling pamantayan tungkol sa mga personal na pakikipag-ugnayan, malaki ang kinalaman ng pamumuno sa iba pang sukatang nabanggit. 

Kaya habang maaga, ingat tayo sa pagsuporta at pagpili. Hindi lahat ng nagsasabing gusto nilang happy tayo ay naghahangad na marating ng mga Pilipino ang tunay nating potensiyal at tunay tayong yumabong. Minsan gusto lang nilang magbigay ng panandaliang aliw o “warm fuzzy feelings” — pero alam na rin natin ang kapalit. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 1501

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>