MANILA, Philippines – Nang maihalal si Donald Trump para sa kanyang pangalawang termino bilang pangulo ng Estados Unidos, marami sa mga supporter niya ang nagsabing mga iligal lang ang dapat mag-alala sa kanyang mga istriktong patakaran pagdating sa pagma-migrate.
Pero ngayon, dumadami na ang mga report ng mga green card holder na hinuhuli ng Customs and Border Protection (CBP) at Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Isa na dito si Max Londonio, isang manggagawa at ama na matagal nang may legal status sa US. Lumipat siya sa US mula Pilipinas noong 13 taong gulang siya, at 42 na siya ngayon.
Pagkabalik niya ng US galing sa bakasyon sa Pilipinas noong Mayo 15, hinuli siya ng mga otoridad. Halos dalawang buwan siya nagtagal doon — na matagal na nilagay sa solitary confinement — bago siya pinalaya ng ICE.
Bagama’t mayroon siyang kasong kriminal noong binata pa siya, tapos na ang sentensya niya, ayon sa kanyang asawa na si Crystal. Nakailang labas-pasok na rin siya sa US nang walang masyadong aberya, hanggang nangyari ang paghuli sa kanya.
Panoorin ang video report ni Rappler reporter Michelle Abad para sa karagdagang detalye tungkol kay “Kuya Max” at iba pang mga ipinaglalaban ng migrant rights groups sa US. – Rappler.com